Que Saisje?

Koleksiyon ng mga katha at tula ng isang nagpapanggap na manunulat.

 
Visited
Walang Panginoon ni Deogracias Rosario, Isang Matalik na Pagbasa
Friday, March 28, 2008

Makailan kong binasa ang kwento ni Deogracias Rosario na Walang Panginoon. Gusto ko mang magkaroon ng kaunting bakgrawn tungkol sa awtor upang malaman ang kanyang pinanggagalingan ngunit walang mahanap sa aklatan, at gayundin sa internet. Marahil ay bunga ito ng kawalang interes ng mga kritiko at mga manunulat sa kanya, o di kaya’y lubhang nalunod na sa kalumaan ang lahat ng tungkol sa kanya’t wala nang nakakaalala.

Ang tangi lamang tumatak sa aking isip ay ang katotohanang napakaluma na ng kwento at hindi ko lubos ma-appreciate ito. Samantalang naroon naman ang halos lahat ng elemento ng mahusay na kwento, marahil ay sa pagkwento ako mayroong problema, at iyon ay aking bibigyang paliwanag sa mga sumusunod na talata.

Sisimulan ko, kung gayon, ang pagsiyasat sa pinakaunang elemento at bahagi ng kwento patungo sa huling elemento para lamang magkaroon ng sistema ang gagawing tangkang panunuring basa sa kathang ito ni Rosario.

Una muna’y ilalahad ko ang buod ng kwento na nagsimula sa pagdidiliryo ni Marcos sa hudyat ng animas. Pagkaraa’y may matatanggap silang mag-ina na kautusan mula sa hukuman na kailangan na nilang lisanin ang lupang kanilang binubuwisan, na kung tutuusin ay kanila naman. Dahil sa nangyari, lumiyab uli ang kanyang galit kay Don Teong. Binilang pa nga nito ang lahat ng kasalanan ng may-ari ng lupa at isinisisi ang lahat ng miserableng nangyari sa kanyang buhay. Dahil sa hindi na niya makayanan, diumano, ang mga nangyayari sa kanila, nagpasya na siyang ilagay ang batas sa kanyang mga kamay. At natupad nga ang kanyang plano, ang patayin si Don Teong gamit ang kanyang kalabaw. Nagtapos ang kwento sa pagtugtog ng kampana, hudyat ng animas.

Hindi maikakailang napakaganda ng point of attack ni Deogracias Rosario upang ipakita ang epektong iniwan ng mga sakuna sa kanyang buhay—ang pagdedeliryo ni Marcos sa pagtugtog ng kampana sa ika-walo ng gabi. Sa aking tantya, hindi na bata si Marcos upang mag-asal bata. May mali talaga sa kanya kaya siya nag-aastang ganun. Hindi ko mapigilang siyasagin o saliksikin kung ano ang nangyayari sa taong ito. Bilang may kaunting nalalaman sa mga karamdaman, at bilang anak, kapatid at apo ng doktor, ako ay nagbasa at nagtanong kung anong sakit ang maaaring makapagdulot nito sa isang tao sapagkat maaaring tignan sa kanyang perspektibo ang lahat ng nangyayari sa kwento. At kung titignan nga naman, halos ang kabuuan ng kwento’y sa punto de bista niya inilalahad. Ano nga ba ang sakit ni Marcos?

Ipinabasa ko ang akda sa aking kapatid, na makaraa’y sumangguni naman sa aking ama, habang ako’y gumagawa ng aking sariling research. Iisa ang lumabas na konklusyon. Si Marcos ay may schizophrenia. Lapat na lapat. Siya ay nasa early adulthood, base sa edad ng kanyang kasintahang katataps lamang magcolegio. Tapos, kinakausap niya ang kanyang sarili. Ang masama pa nito, may quotation mark pa ang lahat ng sinasabi nito sa sarili (par. 8, 12, 24, 54), at may exclamation point pa kung mag-isip (par. 21). Ang nature ng exclamation point ay pasabi, bilang salitang may ugat na “exclaim”. Ganun din ang kanyang ina (par. 8). Isa pang sintoma ay ang perseveration/verbigeration o pag-uulit-ulit ng iisang salita o pangungusap (par. 3) na sinagot naman ng ina niya ng paulit-ulit din (par. 4). Nakakaranas din siya ng anhedonia o kawalan ng masayang pakiramdam sa buhay, dahil nga sa kanyang environment. Siya rin ay makikitaan ng social withdrawal ng alukin ito ng kanyang inang pumunta sa kubo ni Bastian (par. 11). Genetically at environmentally predisposed na siya para makamit ang underlying conditions dahil pareho sila ng kanyang ina na may ganitong sakit, bilang nakaranas ng parehas na stressor sa kanilang buhay (ang pagkamatay ng ama, asawa at anak). Si Marcos ay mayroong undifferentiated type ng schizophrenia ayon sa kombinasyon ng kanyang mga sintomas, samantalang ang kanyang ina nama’y malabong matukoy dahil sa hindi naman masyadong pinasok ang kanyang kamalayan.

Mahalagang matukoy ko ito sapagkat naging parallel sa kanyang akto ang pattern ng taong may sakit na schizophrenia, lalo na’t wala siyang tinanggap na kahit anong medication o therapy. Ang taong mayroon nito ayon kay Sheila Videbeck (2006), lalo na’t accumulated ang kanyang mga past stressor ay nagiging bayolente. Lapat na lapat sa clinical na basehan ng kwento ang paglala ng kanyang sakit na tila’y may naririnig na siyang salita mula sa kanyang sarili para gawin ang kailangan niyang gawin (par. 41). At gaya nga ng pelikulang A Beautiful Mind kung saan si Russel Crowe ay nagkamit pa Nobel Prize sa kabila ng kanyang pagiging schizophrenic, si Marcos ay nakapag-isip pa ng ultimate na paraan upang masupil na ang numero unong pahirap sa buhay nilang mag-ina. Napakagandang behikulo ito ng isang mailking kwento para mailahad ang katayuan ni Marcos at maging simbolo ang kanyang karamdamang psychological sa pangkalahatang kondisyon sa kanyang panahon, na nangangailangan na talaga ng pagkilos para mabago na ang sitwasyon. At masasabi ko rin na sa ganoon kabigat na suliranin nina Marcos, hindi gumamit ang awtor ng Deus Ex Machina, kung nagkatao’y pakiramdam ko, madadaya lang ako. Si Marcos mismo ang lumutas ng problema nila, at hindi ang kung sinumang may nakatataas na kapangyarihan, gaya nga ng titulo ng kwento, walang panginoon.

Maaaring basahin ang titulo ng kwentong ito sa maraming paraan. Una ay ang kawalan ng panginoon ng tao, ang Diyos. Tila’y pati ang Diyos ay hindi na pinakikinggan ang hinaing ng mga maliliit na taong gaya nila. Pangalawa ay ang pagkawala ng kanilang panginoong may-lupa. Pangatlo ay ang pagpapakita na ang lahat ay kayang mag-ala diyos na pwedeng kumitil ng buhay, at sa kabalikwas na paraan ng pagbasa rito, wala ring panginoon sapagkat ang panginoon ay siyang dapat nakatataas na nilalang. At ang pang-apat ay ang katotohanang walang dinidyos ang hayop.

Gayunpaman, natumbok narin naman natin ang punto de bista kanina, akin namang pupunain ang paggamit nito ng hindi malinaw na intelligence o authority in fiction. Sa isang pakikipag-usap sa aking kaibigang taga Unibersidad ng Pilipinas, nasabi kong magulo ang pinanggagalingan ng insayt ng kwento sapagkat pinapasukan nito ang kamalayan ni Marcos, ngunit pinapasok rin niya ang kamalayan ng ina. Sa aking basa, wasak ang kwento dahil walang iisang pinanggagalinagan ang insayt. Buti sana kung mahusay ang shifting ng intelligence o kamalayan ng kwento, magiging mas mabisa ang pagkaka-deliver nito, ngunit sa kaso ng Walang Panginoon, isang malaking pagkakamali ang hindi nito pagtuon sa pagpili ng angkop na point of view. Ang sabi nga ni Ophelia Dimalanta sa aming fiction class, kung inconsistent ang point of view na ginamit, ibabasura na ito sa Palanca. Dapat diumano’y conscious ang manunulat sa mga ganitong aspeto, na kung babaliin man ang rule na ito ay hindi dahil hindi ito alam ng manunulat, kundi dahil may mas mataas na purpose para gawin ito. Sa kasamaang palad, wala akong nakitang ikinabuti sana nito kumpara sa paggamit na lamang sana ni Rosario ng central intelligence sa katauhan ni Marcos.

Sa kabilang banda, habang nag-uusap kami ng aking kaibigang mula sa UP na kumukuha rin ng kursong literatura, natanong ko kung ano ang tingin niya sa pagiging inconsistent ni Rosario sa punto de bista, ang sabi niya’y “If a writer happens to be a genius who is ahead of his time by using the shifting point of view the way Sicat-Cleto use now among other fictive elements, why crucify him? There are many ways to skin a cat, and by the fact that other critics don’t agree on generally hailing him or trashing him, the guy proves his goal of de-labeling.” At ako’y napatango na lamang. Marahil nga’y iyon ang intensyon ng manunlat sa kanyang ginawa na akin namang hinahanap-hanap sa loob ng teksto, ngunit wala.

Para sa akin, pinaningning ng mahusay na pag-aayos ng awtor ang dramatikong sitwasyon at dramatikong kondisyon ang pagkakakumpul-kumpol ng mga problema ni Marcos. Ang kanilang abang kalagayan, na pinasidhi pa ng pagpapalayas sa kanila ng kanilang panginoong may-lupa. Tila maririnig mo na ang malungkot na pagtugtog ni Chopin sa bakgrawn habang binabasa ang kwento. Ngunit ang dapat pagtuunan dito ng pansin ay ang pulitikal na sinasabi ng awtor: dahil mayaman at maipluwensiya si Don Teong, kayang-kaya niyang gamitin ang hukuman para sa kanyang pagkamkam ng lupa. Nakuha ni Rosario ang aking walang-kahating atensyon ng sabihin niya ang mga katagang “ang pamahalaan ay nagkulang ng malasakit sa kanilang karalitaan upang tangkilikin ang kanilang katwiran at karapatan.”

Kumbaga sa pagkain, bakit ko kakainin ang inihanda ni Deogracias Rosario? Kahit nagkukulang ng appeal sa akin ang mga ganitong akdang ang setting ay sa malayong nakalipas, kakainin ko siguro ito dahil sa taglay nitong sustansiya. May tunggalian tayong natunghayan ng tao laban sa tao, tunggalian ng tao sa kalikasan, at ang tunggalian sa loob ng kamalayan ng pangunahin tauhan. Makikita sa tunggalian ng kwento ang kanyang ganda: ang manatili sa kabulukan ng sistema o ang pagbabago. Napakahalagang usapin nito hanggang sa kasalukuyan, at sa maraming paraan. Pwede itong tignan sa paraang Marxista, na dapat ay baguhin na ang sistemang feudal. Pwede rin naman sa perspektibong postcolonial, na dapat ay baguhin na ang ating colonial mentality. At sa perspektibo ng gender studies, na balikwasin na ang pagkokonsidera sa babae, bakla at tomboy bilang “the Other”.

Pagdating sa plot o usad ng kwento tungo sa pagbabago ng karakter, ito nama’y nagampanan ni Rosario. Sa huli’y ay mayroong heightening of an awareness, ayon sa lecture ni Mam Ophelia Dimalanta noong nakaraang semetre. Mayroon ding realization of a truth about the human condition, na gaya ng nasabi kanina, nagpasya siyang kailangan ng pagbabago at kanya nga itong isinakatuparan.

Sa kanya namang karakterisasyon, ugali na marahil ng halos lahat ng kwentista ang pagkahon. Isa uli ito sa mga akdang hindi pahihintulutan ng mga feminista. Dahil sa pati naman ang ina ay nakakaranas rin ng kawalang-katarungan, dapat siya’y nakikipag-alsa rin. Ngunit kukunin na lamang natin sa konteksto ng panahong nalimbag ang kwentong ito, 1933, wala pang usapin ng gender sensitivity noon. At de-kahon pa lamang ang lahat. Ang ina ay dapat umiiyak. ang mala-Romeo ang Juliet na elemento ay naroon, at mauuwi ito sa trahedya at iba pa. At dahil narin sa paniniwalang sosyalista nga mga Pilipino ayon kay Isagani Cruz (2000), na “poor people are innately more intelligent than rich people,” naging de kahon din ang kinalabasan ng kwentong dapat ay mautakan ni Marcos si Don Teong: makukuha niya ang kanyang inaasam na sweet revenge kahit pa may baril ang kalaban nito.

Ang paggamit ng dayalogo ay napakaunti subalit tama lamang sa haba at pacing na hinihingi ng kwento. At sadyang lapat na lapat ang pananalita sa karakter sa kwento.

Sa pagtatapos, ano nga ba ang tunay na ikinaganda ng akdang ito ni Deogracias Rosario? Sa aking palagay, ito ay ang pagtatahi-tahi niya ng mga detalye upang makarating ang pagbasa ng mambabasa niya sa kanyang nais na tukuyin. Kung anuman ito’y sa tingin ko’y wala namang makaka-monopolyo ng kahulugan o pagpapakahulugan, at sa akin lamang pananaw at pakiramdam, nagmumulat ang kwentong ito sa atin. Pakiramdam ko’y nais niyang sabihin na oras na para magbago, kahit ano man ang kabayaran nito. Walang panginoon, at hindi tayo maisasalba ng kung sinong nakatataas na kapangyarihan. Kailangan nating kumilos. Wala naman talagang happy ending, hindi nabubuhay ang tao na gaya ng sa telenobela. Isinisigaw ng kwentong ito na tayo ay gumising at langhapin ang katotohanan! Dahil at the end of it all, tayo lamang ang makakatulong sa ating sarili.

Labels:

posted by Diablo @ 9:43 AM  
4 Comments:
  • At May 25, 2008 at 6:24 PM, Blogger keith_thanagar said…

    http://laboratoryo.invisionplus.net/index.php?mforum=laboratoryo&

    uy klik mo dyan andyan kami lahat, kitakits sa bagong tambayan

     
  • At July 26, 2009 at 2:32 AM, Blogger cherrymae105 said…

    thank you for sharing your thoughts. :]]

     
  • At August 10, 2009 at 1:03 AM, Blogger boonfire said…

    malawak ang espasyong tinangkang galugarin ng pagsusuri, at kapupulutan ng kapaki-pakinabang na mga impormasyon.

    interesting ang pagsipat kay marcos bilang karakter na mayroong sakit na schizoprenia. pero ang tanong: akma kayang ilapat ang konseptong ito sa karakter na hinubog ng kalagayang taliwas sa kontextong nagluwal ng naturang konsepto? iigting ang tanong na ito lalo pa't ikinawing ang kuwento sa "beautiful mind" , na talaga namang kanuluranin ang setting at oryentasyon.

    ano't ano man, nasa kuwento ang sagot, ang justifications ng mga reaksyon at tugon ni marcos sa mga pangyayari sa kanyang paligid.

    salamat po

     
  • At August 7, 2010 at 4:13 PM, Blogger NOBLAEDACKS said…

    Huwag kang umastang magaling magsulat. Hindi namin kailangan ang sinasbi mong "POINT OF VIEW"
    tumigil ka nang magsulat dito.. MayaBang! UmaAstang magaling!

     
Post a Comment
<< Home
 
About Me

Name: Diablo
Home: Quezon City, Metro Manila, Philippines
About Me: Kung ikaw ay isang manunulat at ikaw ay sinabihan ng "isa ka lang malabnaw na tinta" (halaw sa gawa ni Rose Jabiguero), ito na marahil ang pinakamasakit na insultong pwede nilang isumbat sa iyo. Sa umpisa pa man, inaamin ko na, isa lamang akong patak ng malabnaw na tinta...na hinalo sa isang basong tubig kung saan ako'y naroroon ngayon.
See my complete profile
My Other Blahs
Previous Post
Archives
Links
Hollered


© 2006 Que Saisje? .Template by Isnaini Dot Com